webnovel

CHAPTER 6 | Second Chance

Natapos ang tatlong lecturer bago dumating ang break.

 

Nagtilian ang mga babaeng estudyante ng makatanggap sila ng notification mula sa forum na kumpleto na ang basketball team na naglalaro ngayon sa indoor stadium. Nagmamadaling sumugod ang mga ito sa lugar upang makita ang mga paborito nilang mga player. 

 

"Here we go again, hindi ba sila nagsasawa sa kakatili sa kanila?" napapailing nalang si Chase sa mga ito habang pinapasok ang tablet sa loob ng kanyang bag. "Anyway, nagtext sila Finn nasa--" nagtaka si Chase ng hindi niya nakita si Syven sa likod niya. Kaylan pa ito nawala?

 

Nakahinga lamang si Syven ng makalabas siya ng classroom. Maluluto na ang sentido niya kapag nagtagal pa siya sa kwartong iyon. Isa pa, wala siyang planong makita ang mga losers na kaibigan niya. 

 

Nilagpasan siya ng mga babaeng estudyante na tila may hinahabol ang mga ito. Ganoon din ang nakita niya sa kabilang hallway. May ideya si Syven kung saan pupunta ang mga ito, namalayan niya nalang na doon rin siya dinala ng mga paa niya. 

 

Hindi pa siya nakakapasok sa loob ay naririnig na niya ang malakas na hiyawan. Nang bumungad sa kanya ang loob ng stadium lalo lamang lumakas ang hiyawang naririnig niya. 

 

Napakunot-noo si Syven, Practice palang ang nilalaro ng basketball team pero kung makapagcheer ang mga estudyante ay parang nasa tournament na ang mga ito. 

 

Babalik na sana si Syven ng marinig niya ang pangalang hinihiyaw nila na umaalingawngaw sa malawak na stadium…

 

"Bryant!"

 

"Bryant!"

 

"Bryant!"

 

Nagmamadaling hinanap ng mga mata ni Syven ang taong tinatawag ng mga ito. Tila may dumukot na matigas na bagay sa dibdib niya ng tumigil ang tingin niya sa nagmamay-ari ng pangalan. Lalong lumakas sa pandinig ni Syven ang pangalang tila humihiyaw ng malakas sa kanya. Ang bawat hangin na nilalabas nito habang humihingal ito sa pagtakbo ay senyales na humihinga ito. 

 

Dumadaloy ang matinding kaba at takot sa dibdib ni Syven na maaaring dinadaya nanaman siya ng kanyang imahinasyon. Paano kung magising siyang muli at matagpuan niyang ilusyon lang ang nakikita niya ngayon?

 

Ang huling Bryant na nakita ni Syven ay wala ng naririnig. Kahit ilang beses niyang tawagin ang pangalan nito ay hindi ito sumasagot. Bagsak na ang kamay nito ng ipasok ito sa loob ng ambulance. 

 

Subalit ang Bryant na naaalala ni Syven ay ang 12 years old na kaibigan niya na kahit hindi niya tawagin ay laging nandiyan sa tabi niya. Kapag pinarusahan siya ng Ama niya, ito ang una niyang hinahanap. Pakiramdam ni Syven ay ligtas siya kapag kasama niya ito. Marinig niya lang ang boses nito ay kumakalma na ang alon na lumulunod sa kanya. Nagugunaw ang lahat ng takot sa dibdib ni Syven maramdaman niya lang ang haplos ng kamay nito sa ulo niya. 

 

Minsan itong naging mundo niya, ang humihila sa kamay niya sa tuwing pakiramdam niya ay naglalaho siya. Pinaramdam ni Bryant na may lugar siya sa tabi nito. Hinangad niyang manatili sa tabi nito subalit natutunan niya na hindi sa bawat sandali ay mananatili ito sa tabi niya. 

 

Nang dumating ang araw na hindi niya ito mahanap, mas sumasakit ang parusang natatanggap niya. Mas mahapdi ang paso ng sigarilyo na dumidiin sa balat niya. 

 

Pakiramdam ni Syven ay nadudurog ang kanyang mga buto sa bawat oras na hindi niya ito nakikita. Lumalim ang takot sa kanyang dibdib. Napagtanto niyang isa lamang itong gamot na panandaliang nagpapamanhid sa sugat niya. At kapag hindi niya ito nainom sa tamang oras ay babalik ang sakit. Kung ganon, bakit kailangan niya pa itong inumin gayong hindi naghihilum ang sugat niya kundi lalo lamang kimikirot. 

 

Mas mabuti pang masanay siyang wala ito upang tuluyan siyang maging manhid sa sakit. Kinalimutan at binura ito ni Syven sa buhay niya. At tama ang naging desisyon niya dahil dito nagsimulang tumigas ang puso niya, naglalaho ang takot niya sa parusa na binibigay sa kanya ng Dad niya. 

 

Nagagawa na niya itong suwayin ito at sundin ang gusto niya. Mas naging malaya siya ng mawala si Bryant sa tabi niya at iyon ang buong akala ni Syven… Dahil ng makita niyang tuluyang nagunaw sa harapan niya ang taong minsang naging mundo niya, doon niya lang naramdaman na hindi ito nawala. Nagawa nitong bumaon sa buto niya, dinudurog at tinutusok siya ng libo-libong patalim sa tuwing naaalala niya ang kamay nitong wala ng buhay. 

 

Ang Bryant na nakikita ni Syven ngayon ay kasing sigla ng mga hiyawan na umaalingawngaw sa loob ng stadium. Kung hindi nito inangkin ang pangalan niya ng gabing iyon, mananatiling buhay ang pangalan nito. 

 

Naputol ang hiyawan ng aksidenteng matulak ang isang player sa stand ng basketball. May mabilis na kamay ang humarang bago tumama ang ulo nito sa bakal. Ang kamay na iyon ang sumalo sa direktang tama para sa kasama nito.

 

Natigil ang laro at mabilis na inalalayan ng mga player ang kasama nilang bumagsak. Humiwalay sa grupo ang may-ari ng kamay matapos nitong sabihin sa mga kasama na hindi ito nasaktan.

 

Nabuhusan ng yelo ang init na kumakalat sa dibdib ni Syven. Mabigat ang mga hakbang na sinundan niya ito sa locker room. Wala itong kamalay-malay sa presensiya niya ng sumandal siya sa locker habang pinapanood niya itong nagbukas ng locker nito. Agad na binawi nito ang kamay ng makaramdam ito ng kirot. 

 

"Masakit?" naglalaro ang ngiti sa labi ni Syven ng lumingon ito sa direksiyon niya. Bahagyang lumalim ang tingin ni Bryant na tila kinikilala kung sino siya o mas tamang kinukumpirma nito kung siya ba ang nasa harapan nito.

 

Matagal itong napako sa kinatatayuan. "Syven?" nang tawagin ni Bryant ang pangalan niya. Mistulang nabuwag ang ilang taon na naghiwalay sila dahil walang nagbago sa paraan ng pagtawag nito sa kanya. Tumangkad at nagmature man ang boses nito pero ang nakikita ni Syven ng mga sandaling iyon ay ang twelve years old na Bryant na nakilala niya.

 

Lumapit si Syven at inabot ang kamay nitong natamaan. Mariin na hinawakan niya ito hanggang sa magpumiglas si Bryant at bawiin ang kamay nito sa kanya. 

 

Humigpit ang bagay na sumasakal sa dibdib ni Syven. "Nasaktan ka? Kung ganon bakit mo 'yun ginawa? Anong tingin mo sa sarili mo, superman? Sa tingin mo matutuwa siya? Na hindi niya makakalimutan ang ginawa mo sa kanya?" Sinuntok ni Syven ang dibdib ni Bryant kung saan bumaon ang bala na pumatay dito. 

Isa lang ang bagay na pinagsisihan ni Syven ng mamatay ito. Wala siyang nagawa ng mag-agaw buhay si Bryant sa harapan niya. Natutuwa siyang makita itong muli, subalit natatakot din siya sa malaking posibilidad na hindi niya mabago ang kapalaran nito dahil hindi ito nagbago. Ito parin ang Bryant na laging inuuna ang ibang tao kaysa sa sarili nito. "Masaya ka na? Yan ba ang gusto mo?!"

 

"Syven!"

 

"Huwag mong gagamitin ang pangalan ko! Hindi ko gustong marinig ito mula sayo. Sa sandaling ginawa mo yun, ako mismo ang papatay sayo." umangat ang kamay ni Syven at sunod na humampas pasara ang nakabukas nitong locker na lumikha ng matalim na ingay. Iniwanan ito ni Syven ng nagbabantang tingin na puno ng pagkamuhi.

 

Nagdatingan ang mga player ng basketball team ng lumabas si Syven sa locker room. Nagtatakang napasunod ang tingin ng mga ito ng lagpasan sila nito. Naabutan nilang nakatayo lang si Bryant sa harap ng locker nito.

 

"Bryant, kilala mo yun?" tanong ng isang player.

 

"Anong ginawa niya dito?" sunod na tanong ni Rex ang Captain ng team. 

 

"May atraso ka ba sa kanya? Pero imposible dahil school, at basketball ka lang. Sabihin mo lang sa amin kung binubully ka non at tutuluyan namin."

 

Nakatikim ng malakas na batok si Troy mula kay Rex. "Malapit na ang laro natin kaya wag na wag kang magtatangkang gumawa ng gulo. Isa pa, delikadong masangkot sa taong 'yun."

 

"That Rogue Prince? Sabagay hindi siya tatawaging ganun kung prince charming ang pag-uugali niya." natatawang hinaplos ni Troy ang ulong nakatikim ng batok. Natigilan siya ng makita niyang nanatiling walang imik si Bryant. 

 

Lumapit si Rex dito. "Okay ka lang?

 

Tumango lamang ito bilang tugon at binuksan ang locker para kunin ang towel nito. 

 

Nawala ang ngiti ni Troy. "Parang papatay ang tingin nito kanina. Sigurado ka bang hindi ka niya ginugulo?" 

 

Dumiretso si Bryant sa shower room na parang hindi sila nito narinig. Nag-aalalang nagtinginan ang mga player ng team. Dalawa lang ang mood ni Bryant, kapag maikli ang sagot nito ibig sabihin ay nasa mood itong makipag-usap. Pero kapag wala ka ng naririnig dito, mas mabuting manahimik ka nalang.