webnovel

Clouded Feelings (Tagalog)

Ayla Encarquez is a nobody. Can she be a somebody to the man of her life?

_doravella · Urban
Not enough ratings
47 Chs

The War

"Ayla? Wala ka na bang kahihiyang natitira sa sarili mo? Bakit ka nagpabuntis nang hindi ka pa kinakasal?"

Mariin kong kinagat ang pang-ibabang labi ko habang sinasangga ng puso ko ang bawat masasakit na salitang sinasabi ni Tatay sa akin. Si Nanay naman ay nanatiling tahimik sa isang tabi.

Galit na galit si Tatay. Sa sobrang galit niya, pinaghahagis na niya ang mga gamit sa loob ng bahay namin. Walang umawat sa kaniya. Hindi na ako naglakas-loob kasi nanunuot pa rin sa akin ang hapdi ng dalawang sampal ni Tatay.

"Ayla, hindi por que't nakatapos ka ng pag-aaral ay gagawin mo na kung ano'ng gusto mo. Masiyado ka pang bata para mabuntis."

Pati si Nanay galit na rin sa akin.

Tuloy-tuloy na bumabagsak ang luha ko. Parang ulan sa makulimlim na kalangitan, walang humpay ang pagbagsak.

"Ang sabi mo, 'di ba, na tutulongan mo pa kami? I-aahon mo pa kami sa kahirapan, 'di ba? Paano mo magagawa 'yon kung ngayong buntis ka?" dagdag ni Nanay na pumipiyok pa ang boses sa sobrang pagpipigil din ng galit.

"Baka nakakalimutan mong hindi ka pa nakakabayad sa pamilya ni Orlando? Ang dami mo pang utang sa kanila dahil sa hinayaan mo silang pag-aralin ka, tapos ngayon buntis ka? Ang gaga mo, Aylana!"

Marahan akong pumikit at hinaplos ang tiyan ko.

Buntis ba talaga ako?

"Sinong nakabuntis sa'yo? Papuntahin mo rito sa bahay. Iharap mo sa akin! Dapat lang na panagutan ka n'ya! At kung maaari, pakasalan ka n'ya!"

'Yan ang huling sinabi ni Tatay bago ko na-deklara sa sarili kong it's a day. Not the good one, but it's still a day.

Buong magdamag akong nakatulala lang sa silid ko. Iniisip ang lahat ng puwedeng mangyari sa akin ngayong buntis na ako. Umiyak lang ako nang umiyak, sinasangga pa rin ang mga masasakit na salitang sinabi nina Nanay sa akin.

Kapag ito nalaman ng ibang tao, ano na lang kaya ang sasabihin nila? Ngayon pa nga lang na mga magulang ko pa ang nakakaalam, halos isumpa na ako sa katangahang nagawa ko, paano pa kaya ang iba?

Parang bumalik sa dati ang situwasiyon namin ngayon. Iba nga ang situwasiyon. Iba nga ang nangyari. Walang namatay pero may bagong buhay na umuusbong sa akin. Pero walang pinagka-iba, galit silang pareho sa akin.

Gaya ng mga nakaraang umaga ko, sumuka na naman ako. Naabutan ako ni Nanay na mukhang kalalabas lang ng kuwarto nila Tatay.

Malamig niya akong tiningnan at dire-diretso sa kailangan niyang gawin.

"Hindi ka papasok sa trabaho? Ano? Titigil ka? Ngayon pa na may kailangan kang buhayin?" Malamig na sabi niya na hindi man lang tumitingin sa akin.

"P-Papasok po ako, 'Nay," sagot ko na lang.

Masiyado nang maaga dahil pasado alas-siete na ako nakagising dahil sa kakapusan ko ng tulog kagabi. Pero naghanda pa rin ako para pumasok kahit sa kalooblooban ko, ayoko, kasi natatakot ako, natatakot ako na baka makita ko siya. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Nabuntis niya ako, ano ba dapat ang gagawin ko?

Paano ko siya mapapapunta sa bahay para makilala nina Nanay kung nahihirapan nga akong sabihin sa kaniya ang tungkol sa situwasiyon ko? Sasabihin ko ba? Paano ba? Paano ko ba sasabihin sa isang taong ikakasal na sa iba na nabuntis niya ako? Paano ba?

Palabas na ako ng bahay, wala ng tao sa amin, late na ako sa opisina. Kinuha ko ang cell phone ko at nagtipa ng mensahe para kay Shame.

Ako:

Shame, good morning, hindi muna ako papasok sa opisina ngayong araw, masama kasi ang pakiramdam ko. Pakisabi na lang kay Sir Johnson, salamat :)

Nakabihis na ako pero ayokong manatili sa bahay. Bitbit ang bag, naglakad ako papunta sa maliit na burol na palagi kong pinupuntahan sa tuwing may mabigat akong nararamdaman.

Ilang minuto lang ay nakarating ako sa tahimik na burol. Laking pasasalamat ko rin na tapos nang i-harvest ang mga tubo sa paligid ng maliit na burol na iyon kaya nang makarating ako ay payapa ang paligid.

Saktong pag-upo ko sa paanan ng malaking puno rito sa gitna ng burol ay nag-ring nang malakas ang cell phone ko.

Shame Gener is calling...

"Shame?" Agarang sagot ko sa tawag.

"Are you okay, Ayla? Ano'ng nararamdaman mo? Do you want us to visit you after work?"

"Ha? Naku, Shame, hindi na. Okay lang ako, masama lang talaga ang pakiramdam ko pero bukas, pangako, papasok na ako. Pakisabi na lang kay Sir, ha?"

"No worries. Actually, si Sir Johnson nga ang nag-suggest na puntahan ka namin. 'Wag mo nang alalahanin ang work mo, just take your time resting ha?"

Wala sa sarili akong napangiti sa mga sinabi ni Shame. Mababakas din sa boses niya ang pag-aalala. Ilang buwan lang kaming nagkasama sa trabaho pero ramdam na ramdam ko ang sinseridad sa kaniya, pati na sa ibang kasamahan ko.

"Salamat, Shame," nakangiti sa kawalang sagot ko.

"By the way, highway, someone sent you flowers nga pala rito sa office."

Ha?

"Huh? Kanino naman galing?"

Handa na sana akong ibaba ang tawag nang may pahabol pang sinabi si Shame. Nawala nang panandalian ang bumabagabag sa akin dahil sa narinig mula sa kaniya. Naintriga ako.

"Baka pinagti-trip-an mo lang ako, Shame, ha?"

"Hindi, seryoso, meron talaga. I would like to ask sorry in advance kasi binasa ko na ang card and ayon sa card galing kay Fabio Varca ang flowers. Ayie~, Ayla, may boyfriend ka na pala, 'di ka man lang nagsasabi ha?"

Ha?

Matinding paglunok ang nagawa ko dahil sa sinabi niya. Loud and clear. Galing kay Fabio.

Anak ng baboy!

"May sinabi o ibinigay pa ba siya, Shame?"

"Hmm, aside sa note na nagsasabing 'Your yes is enough, You is enough,' at sa flowers na ibinigay ay wala ng iba, Ayla. Ikaw ha, tatahi-tahimik ka lang pero may tinatago ka pala ha? Kaya pala..."

"Kaya pala ano, Shame?"

"Mag-usap tayo pagbalik mo, marami tayong pag-uusapan. Magpagaling ka ha?"

Hindi na ako maayos na nakapagpaalam sa kaniya dahil bigla na niya akong binabaan ng cell phone.

Si Fabio...

Oo nga pala, si Fabio.

Anak ng baboy! Hindi ko na alam kung ano'ng gagawin ko. Ang dami-daming madadamay sa kagagahan kong ito. Ano na lang ang sasabihin ni Fabio kapag nalaman niyang buntis ako at hindi siya ang ama? Ano na lang ang sasabihin ni Zubby? Nang mga kaibigan ko? Nang mga taong nakakakilala sa kaniya?

Bakit ko ba kasi hinayaan ang sarili kong magpadala sa gabing iyon? Bakit hindi ko inisip kung ano ang mangyayari sa ginawa ko? Kung sino ang maapektuhan? Kung ano ang magiging bunga? Bakit ba pinairal ko ang sariling damdamin kesa sa pangkalahatang kaayusan ng buhay?

Putang ina ka nga talaga, Ayla! Putang magiging ina! Mukha kang pokpok! Hindi pala mukha lang, pokpok ka talaga. Pokpok ka kasi ibinigay mo lang ang sarili mo nang basta-basta sa isang lalaki, sa isang lalaki na akala mo ikaw ang gusto. Akala lang pala. Akala lang ang lahat.

Umiyak ako, iniyak ko ang lahat, ang lahat-lahat ng problema.

Parang ngayon lang nag-sink in sa akin ang lahat. Buntis talaga ako at siya ang ama kaya paano ko sasabihin sa mga magulang ko na nabuntis ako ng isang Lizares, sa isang Lizares na ikakasal na sa isang Osmeña?

Hindi ko alam kung ilang oras akong nanatili roon, na umiiyak. Basta ang alam ko, hindi pa rin nauubos ang bigat sa puso ko. Akala ko mailalabas ko lahat sa pamamagitan lang ng pag-iyak, pero bakit ganoon, parang hindi man lang nabawasan ni isang kusing, ni isang porsyento?

Maski ang tawag at mga text ni Fabio, hindi ko binasa, hindi ko sinagot. Natatakot ako. Natatakot ako sa kalagayan at kahahantungan naming dalawa. Handa na sana ako na sagutin siya pero bakit ganito ako? Mas pinili kong aminin sa sarili ko na si Engr. Sonny lang talaga ang gusto ko.

Ewan ko! Ang gulo-gulo ng buhay ko. Nakakabanas mabuhay ng mahirap! Nakakabanas mabuhay na kaya kang agrabyaduhin ng mga mayayaman. Nakakabanas.

Bumaba ako ng burol nang makaramdam ng gutom ang tiyan ko at nakakakilabot malaman na hindi lang ako ang nagugutom ngayon. May isang nilalang sa looban ko na katulad ko'y nagugutom na rin sa ngayon, at mas kailangan ang resistensiya na ipinapasok ko sa katawan ko. Hindi na ako mag-isa ngayon.

Umuwi ako sa bahay para sana mananghalian.

Pero iba ang naabutan ko.

"Ayla!"

Anak ng baboy!!

Halos pagsabayin ko ang pagsinghap ng hangin at paglunok ng laway dahil sa gulat.

Hindi pa lang ako nakakapasok sa loob ng bakod ng bahay, natigilan na ako.

Nasa labas ng bahay namin ngayon si Fabio.

"Thank God you're here! Kanina pa kita kino-contact. Bakit hindi ka man lang nag-respond sa mga messages ko?" Agad na bungad niya sa akin. Lumabas pa talaga siya sa bakod namin at nilapitan ako.

"Fa-Fabio..."

Hindi ko alam kung ano ang sasabihin. Nanlalamig ako. Nanginginig ang buong kalamnan ko. Sunod-sunod ang naging paghinga ko, halos kapusin na ng hangin.

"Kararating ko lang at gusto kong gawing pormal na ang panliligaw ko kaya pinuntahan na kita rito," sabi niya.

Teka, sandali, ano ba ang nangyayari?

"Fab, 'wag muna ngayon, please, umuwi ka muna," bulong ko sa kaniya.

"Huh? It's time to ask your parents' permission and I'm doing it for formality."

"Fab-"

"Ayla."

Sa sobrang panginginig nang marinig ang boses ni Tatay, napahawak ako sa magkabilang braso ni Fabio para makahingi ng lakas. Nanghihina ako, hindi ko na alam kung anong gagawin at sasabihin ko.

"Ayla, are you okay?" may pag-aalalang tanong ni Fabio sa akin pero hindi man lang ako makatingin sa kaniya.

"Hijo, ikaw ba ang nobyo ni Ayla?" Tanong ni Nanay na mas lalong nagpahina sa akin.

"P-Po?" Agad na sagot ni Fabio sa naging tanong ni Nanay sa akin. Mariin akong napapikit, hindi malaman kung ano ang gagawin. "H-Hindi pa po, nandito po ako para ligawan ang—"

"Hindi? Hindi ka niya boyfriend?" si Tatay.

Para akong mabibingi. Hindi ko na alam kung ano'ng gagawin ko. Nabibingi talaga ako at parang may matinis na echo ang dumaan sa tenga ko. Ang sakit, sa tenga pati sa puso.

"H-Hin—"

"Hindi ka niya boyfriend pero nabuntis mo ang anak namin?"

Ramdam na ramdam ko ang bawat panginginig sa buong katawan ko. Gusto ko nang umiyak pero hindi ko alam kung paano. Nabobobo ako sa ganitong klaseng situwasiyon. Hindi ganito ang pagkakataon na sasabihin ko kay Fabio ang tungkol sa ganito.

"P-Po? Buntis po? Sino po?"

Dahan-dahan akong umatras palayo sa harapan ni Fabio at hinarap ang puwesto ng mga magulang ko.

"Buntis 'yang anak namin at ikaw na gago ka, ang lakas ng loob mong buntisin ang anak namin nang hindi mo man lang pinapakasalan!"

"Ayla! Ano'ng sinasabi ng Tatay mo? Anong buntis? Sinong buntis? Ikaw?"

"Ayla, sumagot ka!"

"Ayla, ano ba ang nangyayari sa'yo?"

"Aylana Rommelle!"

Iwinaglit ko ang kamay ni Fabio na muling humawak sa akin at mariing tumayo sa aking kinatatayuan.

"Hindi po siya ang ama!"

Kasabay nang pagkakasabi ko no'n ay ang pagbagsak ng isang patak ng luha galing sa kaliwang parte ng aking mata. Mariin akong nakatingin sa mga magulang ko.

Ayla, magpakatoo ka na, kahit ngayon lang.

"Ano?"

"Ano'ng sabi mo, Ayla?"

"Hindi siya ang ama?"

"Teka, teka, nagugulohan ako, ano ba ang nangyayari?"

Nilingon ko si Fabio. Gusto kong sabihin sa kaniya nang diretsahan pero bakit wala akong lakas ng loob na sabihin sa kaniya? Nasa harapan ko na siya ngayon, mga magulang ko na mismo ang nagsabi, pero bakit naduduwag pa rin ako?

"H-Hindi po si Fabio ang ama ng dinadala ko," umiwas ako ng tingin kay Fabio at tuluyang hinarap ang mga magulang ko.

"Ayla, ano ba 'yang sinasabi mo? Buntis ka? E, hindi nga kita nagalaw kahit kailan tapos buntis ka ngayon? Ginagago mo ba ako, Ayla?"

Mariin akong napapikit dahil sa naging sagot ni Fabio sa akin. Sunod-sunod na paglunok ang nagawa ko. Dinadalaw na naman ng takot.

"'Di ba ang sabi ko sa'yo, papuntahin mo ang lalaking nakabuntis sa'yo. Kung hindi siya, mabuti pa't pauwiin mo na 'yan at mag-usap tayo sa loob, Aylana Rommelle," matigas na sabi ni Tatay sabay lakad papasok na sa loob ng bahay. Tahimik namang nakasunod si Nanay sa kaniya.

Handa na sana akong harapin si Fabio nang bigla siyang nawala sa harapan ko at nakita ko na lang na papaalis na siya. Dali-dali akong naglakad papunta sa kaniya, pipigilan ko lang siya, kahit papaano'y kailangan naming mag-usap na dalawa.

"F-Fabio…"

"Ano, Ayla?" Singhal niya sa akin nang maramdaman niya ang presensiya kong nakasunod sa kaniya. "Ano'ng sasabihin mo? May sasabihin ka pa ba? Mukhang nasabi na ng mga magulang mo, e," tunog-sarkastikong sabi niya.

"H-Hayaan mo akong magpaliwanag," mahinang sabi ko, enough para marinig niya.

"Hindi, Ayla, 'wag na. What Zubby said to me and your parents' confirmation are enough for me to believe na ginagago mo lang ako, na pinapa-ikot mo lang ako sa mga kamay mo, na kahit kailan hindi mo ako sasagutin. 'Wag na, Ayla, ginawa mo lang akong gago sa harapan ng lahat."

Ha?

"A-Ano'ng sinabi ni Zubby sa'yo?"

May alam ba si Zubby? Paano? Hindi ko naman sinabi sa kaniya? Paano?

"Zubby saw you one time, bumili ka raw ng PT sa isang pharmacy. And did you know that I never believe my own cousin? My own cousin, Ayla, ha? Sarili kong pinsan, sarili kong kadugo, hindi ko pinaniwalaan dahil alam ko sa sarili ko, na kumpiyansa ako, na hindi mo magagawa 'yon. Mabait ka, e. Santa ka sa paningin ng lahat kaya nga ang sabi nila, ang suwerte ko raw sa'yo kasi makakabingwit daw ako ng virgin. Tapos ngayon, malalaman ko mismo na buntis ka? Nabuntis ka nang hindi man lang kita nagalaw? Ano ka, Virgin Mary?" Umiwas siya ng tingin sa akin at mapaklang ngumiti sa hangin bago ibinalik ang tingin sa akin.

Ako naman ay patuloy lang sa pagtanggap sa mga salitang lumalabas sa bibig niya.

"Alam mo, wala na akong pakialam sa'yo. Wala na akong pakialam kung sino ang ama niyang dinadala mo, kung na-rape ka ba o bukal sa loob mo talagang ibinigay sa isang gago ang katawan mo. Wala na akong pakialam, Ayla, kasi the moment na nalaman kong nabuntis ka, nawalan na ako ng pakialam sa'yo. Sana pala nakinig ako sa kanila, sana hindi na kita p-in-ursue pa. Masiyado kang hard to get pagdating sa akin pero bibigay ka pala sa ibang lalaki? Grabe ang kamandag ng pagiging tahimik mo, Ayla, marami ka pa lang tinatagong baho d'yan sa palda mo."

Anak ng baboy!

Gusto-gusto ko nang bumigay. Gustong-gusto ko nang sumuko. Hindi ko akalaing ang isang masaya at malayang gabing iyon ay hahantong sa ganitong klaseng kumprontasyon at sakit.

Nawala na lang bigla sa harapan ko si Fabio. Matapos niyang magsalita, nang hindi nalalaman ang side ko, ay pinaharurot na niya ang kaniyang motor paalis sa amin, palayo sa akin.

Pero ang mga salitang ibinato niya sa akin ay nanatili pa rin sa aking pandinig.

Ganoon na lang ba talaga 'yon? Ni hindi niya man lang pinakinggan ang side ko, agad siyang susuko? Oo, alam kong malaki ang kasalanan ko sa kaniya at hindi ko na siya deserve pero dapat bang sabihin sa akin na wala na talaga siyang pakialam sa akin? Na dapat bang husgahan na niya ako kaagad nang hindi man lang pinapakinggan ang sasabihin ko? Ma-rape man ako ng ibang lalaki ay wala siyang magiging pakialam? Ganoon ba ang ibig niyang sabihin? Gusto niya lang ba ako dahil sa kalinisan ng puri ko? Ganoon ba?

Ayokong bitiwan noon si Fabio dahil alam kong may future ako sa kaniya. Mabait siyang tao, mapagmahal, family-oriented, malinis ang intensiyon. Lahat ng katangiang hinahanap mo sa isang lalaki ay nasa kaniya. Pero matapos marinig ang mga pinagsasasabi niya sa akin, hindi ko na alam.

Pumasok ako sa bahay, sa isang lugar na alam kong kagaya nang ginawa ni Fabio, ay hindi rin ako pakikinggan.

Pagkapasok ko sa bahay, mga matang mariing nakatingin ang unang tumumbad sa akin. Nakaupo si Tatay sa may hapag-kainan at diretsong nakatingin sa akin. Itinukod niya ang dalawang siko sa ibabaw ng lamesa at mahigpit na pinagsalikop ang dalawang kamay. Si Nanay naman ay nakatayo sa kaniyang likuran, nakasandal sa lababo, at nakayuko lang.

"Ha-Ha-Ha!" Isang nakakakilabot na tawa ni Tatay ang agad na bumungad sa akin. "Akala ko, mas malala na ang malaman na nabuntis ka ng boyfriend mo. May mas ilalala pa pala," sarkastiko niyang dagdag. "Siya 'yung napapabalita na palagi mo raw kasama sa bayan at siya rin ang usap-usapan na nobyo mo raw pero ano 'yung sinabi niya? Na hindi mo raw siya nobyo? Naggagagohan ba tayo rito, Ayla?"

Anak ng baboy!

Napapikit ako nang mariin dahil sa gulat. Malakas na hinampas ni Tatay ang hapag-kainan namin at marahas din siyang tumayo na pati ang bangkong inuupuan niya kanina ay tumilapon.

"Ayla, buryong-buryo na ako sa'yo. Sabihin mo sa amin ngayon kung sino ang nakabuntis sa'yo!"

Tama na, please, pagod na pagod na ako. Ang gusto ko lang sa araw na ito ay ang makapagpahinga.

"'Yan! D'yan ka magaling, ang umiyak lang, ang iyakan lang ang lahat! Imbes na magpaliwanag ka, iniiyak mo ang lahat! Habang-buhay ka bang ganiyan, Aylana? Habang buhay ka na lang bang iiyak sa harapan namin sa tuwing may kinakaharap kang problema? Ha?"

'Yung bumabagsak kong luha ay unti-unting naging hikbi hanggang sa nilalamon na ako ng sarili kong pag-iyak. Hindi ko na alam kung anong gagawin ko. Hindi ko alam kung kakayanin ko pa ba ito.

"Please, Ayla, magsalita ka naman. Paano namin malalaman ang lahat kung mananatili kang tahimik?"

Pati si Nanay, na-iiyak na rin at frustrated na frustrated nang malaman mula sa akin ang lahat.

"Imposible namang nabuntis ka nang walang gumalaw sa'yo. Sabihin mo na, Ayla, kung sino!" Humahangos na lumapit si Tatay sa akin at mahigpit akong hinawakan sa magkabilang braso. "Magsalita ka na! Ano? Ginahasa ka ba kaya ayaw mong sabihin sa amin kung sino, ha?"

Namilog ang mata ko dahil sa huling sinabi ni Tatay.

"H-Hindi… H-Hindi po, hindi po ako ginahasa—"

"Kung hindi, bakit ayaw mong sabihin sa amin kung sino? Kailangan ka niyang panagutan, Ayla! Bakit? Kaya mo bang buhayin 'yang bata nang mag-isa, ha? Maaatim mo bang palakihin ang batang 'yan ng walang ama? Ayla, nahihibang ka na ba? Gumawa-gawa ka ng bata tapos ngayong tinatanong ka namin kung sino ang ama, iiyakan mo lang kami? Ayla, hindi ka na bata! Matuto ka nang tumayo sa sarili mong mga paa, matuto kang panindigan ang mga desisyon mo sa buhay, matuto kang harapin ang ginawa mong problema!"

Nanlalabo na ang mga mata ko na halos hindi ko na makita si Tatay sa harapan ko pero nanindigan pa rin ako. Hindi ko sasabihin.

Umiling ako, sunod-sunod na pag-iling ang ginawa ko. Hindi ko talaga sasabihin. Mas mabuti pang ibaon na lang sa limot kesa sabihin sa kanila na isang Lizares ang nakabuntis sa akin. Hindi sila maniniwala. Walang maniniwala sa akin.

Mas lalaki ang gulo kapag sinabi ko sa kanila kung sino ang ama. Isang kahihiyan na nga itong ginawa ko, ayoko nang dagdagan pa.

"'T-Tay, hindi na po importante kung sino, 'Tay, kaya ko pa naman pong buhayin—"

"Hindi importante na malaman namin kung sino ang ama? Hindi importante na dapat ay pakasalan ka niya bago mailabas ang batang 'yan dito sa mundo? Hindi importante, Ayla? Puwes, kung ganoon, lumayas ka sa pamamahay ko at buhayin mo nang mag-isa 'yang bata. Wala akong anak na disgrasyada! Lumayas ka! Masiyado nang lumaki ang ulo mo simula no'ng pag-aralin ka ng pamilya ni Orlando! Nagiging mayabang ka na! Akala mo na kung sino ka! Hindi por que't nakatapos ka na ng pag-aaral ay puwede ka nang mabuntis ng walang asawa. Hindi ganoon tumatakbo ang mundo, Aylana! Kaya kung ayaw mo sa ganoong kalakaran ko, umalis ka na sa bahay na ito!"

Ano?

"'T-Tay—"

"Wala akong anak na disgrasyada! Hindi ko tatanggapin 'yang anak mo, Ayla, kaya sa ayaw at sa gusto mo, umalis ka na sa bahay ko!"

"Romelito! Bakit naman ganoon?"

"Manahimik ka, Helena! May kasalanan ka rito, pinabayaan mo ang anak natin at nagkaganiyan. Hindi 'yan magiging pariwara at mabubuntis nang maaga kung tinututokan at binabantayan mo 'yan!"

Hindi ko alam kung may iwawasak pa ba ang mundo kong wasak na. Basta nang gabing iyon, pinalayas nga ako ni Tatay. Matapos niyang magsalita, kinuha niya ang lahat ng damit ko't inihagis sa labas ng bahay. Wala akong ibang nagawa kundi ang umiyak lang, palagi naman, iyak na lang talaga ang kaya kong gawin sa panahong ito.

May magagawa sana si Nanay pero mas pinili niyang sundin ang kung ano'ng gusto ni Tatay at hindi na nangahas na kontrahin ang desisyon ni Tatay sa akin.

Akay-akay ang isang maleta at isang bag pack, naglakad ako hanggang sa makakaya ko. Naglakad ako hanggang sa maisipan kong lapitan si Zubby. Ang alam ko, tutulongan niya ako. Oo, tutulongan niya ako at maiintindihan niya ang problema ko. Kaibigan ko siya, e, matalik na kaibigan at ang kaibigang matalik ay mahirap tanggihan. Tutulongan ako ni Zubby, siya na lang ang pag-asa ko.

Pagod na pagod na ako at hindi ko alam kung ano na ang kalagayan ng maliit na supling na nasa loob ng tiyan ko. Sana, okay lang siya. Pangako, kapag nakapagpahinga tayo sa Ninang Zubby mo, ipapatingin kita, kumapit ka lang.

Sa kabila ng lahat ng ito, hindi ko dapat sinisisi ang bata. Wala siyang kinalaman dito, kasalanan ko ang lahat ng ito. I should spare him/her. I should not blame this baby with the chaos I made. Kasalanan ko 'to. Kasalanan ng puso ko.

Sa sobrang gulo ng utak ko, hindi na pumasok sa isip ko na tawagan o contact-in muna si Zubby bago ako pumunta sa bahay nila. Saka ko lang naalala nang nakatayo na ako sa tapat ng gate nila at handa nang kausapin siya.

Kakatok na sana ako sa bakal na gate nila nang kusang bumukas ang pintuan ng kanilang bahay.

Saktong lumabas si Zubby pero ang sumunod sa kaniyang likuran ang unti-unting tumibag sa pag-asang meron ako kay Zubby.

Oo nga pala, mag-pinsan silang dalawa, pero sana naman, pakinggan muna ako ni Zubby, alam kong pakikinggan niya ako. Mahal ako ni Zubby kasi matalik niya akong kaibigan, hindi niya ako iiwan sa ere gaya nang ginawa ng pinsan niya.

Nanatili akong nakatayo sa labas ng gate nila, dala-dala pa rin ang mga damit ko. Hinihintay kong lingunin ni Zubby ang bandang gate nila pero masiyado siyang seryosong nakikipag-usap sa pinsan niya.

"Z-Zubby…" Tawag ko sa pangalan niya.

Sabay silang lumingon sa akin. Hindi ko na kayang makipagtitigan kay Fabio kaya kusa akong nag-iwas ng tingin at si Zubby na lang ang tiningnan ko, total, siya naman talaga ang pinunta ko rito.

"Ano'ng ginagawa mo rito?!"

Teka, ano?

Dali-daling naglakad si Zubby papunta sa gate. Magkasalubong ang kilay niya at kunot na kunot ang kaniyang noo. Mabibigat ang bawat galaw at hakbang niya. Padarag niyang binuksan ang gate nila at sa hindi ko malaman kung pang-ilang beses nang nangyari sa araw na ito, ay sinampal niya ako.

"Zubby, ano ba, kumalma ka nga!"

Laking pasasalamat ko sa maletang nasa tabi ko at hindi ako tuluyang natumba. Mabuti rin at agad siyang napigilan ni Fabio pero hindi niya napigilan ang isang sampal na malayang nakadapo sa nakalantad kong pisnge.

Bakit?

"Ang kapal ng mukha mong magpakita sa akin matapos nang ginawa mo sa pinsan ko?" Pinandilatan niya ako ng mata at mababakas talaga ang galit sa mukha niya.

Sobrang lakas ng sampal niya sa akin pero masiyado na yatang namanhid ang katawan ko't hindi na makaramdam ng sakit.

"Z-Zubby… pakinggan mo muna ako—"

"Pakinggan?" Sarkastiko siyang tumawag nang putulin niya ang gusto kong sabihin. "Pakikinggan kita? Bakit? Kaibigan pa ba ang turing mo sa akin? E, mukhang hindi na, e, kasi kung kaibigan mo ako… hindi ka magsisinungaling sa akin, hindi mo itatago sa akin ang tungkol d'yan. Leche naman, Ayla! Kinailangan ko pang tanungin ang tindera ng botika kung ano 'yong binili mo tapos malalaman kong bumili ka ng pregnancy test?!" Sa sobrang inis na nararamdaman niya, hinampas niya ang gate nila.

Gusto kong umiyak pero sa kauna-unahang pagkakataon nang malaman ko ang tungkol sa situwasiyon ko, hindi na kayang bumagsak ng luha ko, mukhang naubos na kakaiyak ko kanina.

"Hindi na ikaw ang Ayla na kilala ko! Kasi ang Ayla na kilala at kaibigan ko, hindi maglilihim sa kaibigan niya, hindi paaasahin ang taong may gusto sa kaniya, at mas lalong hindi magpapabuntis sa ibang lalaki. Ang taas ng tingin ko sa'yo, Ayla! Ang taas-taas! Halos santa na nga ang tingin ko sa'yo pero ginago mo ang pinsan ko kaya pasensiyahan tayo, wala na akong kaibigan na katulad mo, wala na akong kilalang Ayla Encarquez!"

That's it. I lost it all. That one night in exchange with the people around me slowly fading away. Sa isang pagkakamaling iyon, nagkandaleche-leche ang lahat. Kaya pa ba?

Wala na akong maramdaman. Nakatitig lang ako kay Zubby habang pilit na pinapaiyak ang sarili ko sa harapan niya gaya nang ginagawa niya ngayon pero masiyado nang namanhid ang buong pagkatao ko't wala na akong ibang maramdaman kundi ang awa sa sarili.

Kinuha ko ang maletang kanina ko pang dala at tinalikuran silang dalawa. Hindi na ako nagsalita, mukhang hindi ko kakayanin. That's enough, wala na ang mga taong maaasahan mo sa buhay, Ayla, mag-isa ka na lang ngayon.

~