webnovel

Clouded Feelings (Tagalog)

Ayla Encarquez is a nobody. Can she be a somebody to the man of her life?

_doravella · Urban
Not enough ratings
47 Chs

The Pag-uusap

"Puwede ba nating ipagawa nang mabilisan 'tong bahay natin? Anong gagawin natin bukas? Anong mga pagkain ba ang gusto ng Don at Donya? May alam ba kayong dalawa?"

Napatingin ako kay Nanay na nagpalakad-lakad na sa mismong harapan ko. Ako nga 'yong nahihilo kakatingin sa kaniya, e. Kanina pa siya ganiyan, mukhang na-stress nang malamang pupunta nga and Don at Donya sa bahay namin bukas. Maski ako na-stress kakaisip no'n, e.

"Hayaan mo sila, Helen. Hayaan mo silang pumunta sa maliit na bahay na ito. Hindi natin kailangang mag-adjust. Kung gusto nila, sila dapat ang mag-adjust total anak nila ang nakabuntis sa anak natin."

Napalingon ako kay Tatay na prenteng nakaupo lang sa kaniyang usual na upuan. Opposite ng ekspresiyon ng mukha ni Nanay ang mukha niya ngayon, parang cool na cool siya sa kaniyang pinapanood at mukhang hindi man lang nabahala nang malamang pupunta bukas ang mga Lizares sa bahay. Napatagal ang titig ko kay Tatay.

Totoo kaya 'yong sinabi ni Justine na minsang naging kaibigan ni Tatay si Don Gabriel? At hindi basta-bastang kaibigan lang kundi isang matalik na kaibigan talaga. Siyempre, malalim 'yong pinagsamahan kapag ganoon. Ano kaya ang nangyari? Gusto kong malaman. Nakaka-curious.

"Hay naku, kilala pa namang pinaka-eleganteng babae sa ciudad natin si Donya Felicity. Ano kayang magiging reaksiyon niya kapag tumapak siya sa bahay natin. Tatapak kaya siya?"

Sa wakas ay naisipan na ring umupo ni Nanay sa katabi kong bangko.

"Sinisigurado ko sa'yo, Helen, na papasok sa bahay na ito si Felicithea at ang pamilyang dadalhin niya."

Felicithea?

Mas lalo akong napatitig kay Tatay nang imbes na Donya ang itawag kay Donya Felicity, tinawag niya ito sa buong unang pangalan niya. Konektado ba ito sa pagkakaibigan nila ni Don Gabriel? Mas lalo tuloy akong na-curious sa nangyari sa kanila. Bakit humantong sa ganito ang buhay namin? Kabaligtaran ng buhay nila? Ano ba ang totoong nangyari?

"Anong klaseng tingin 'yan, Aylana?"

Anak ng baboy!

Umiwas ako ng tingin kay Tatay nang mapansin niya ang pagtitig ko. Hindi siya nakatingin sa akin at diretsong sa TV lang ang tingin niya pero napansin niya pa rin ang pagkakatitig ko sa kaniya.

"W-Wala po, 'Tay."

"Mabuti pa, matulog ka na. 'Wag mo nang isipin ang mangyayari bukas. Kailangan mo ng pahinga, kaya magpahinga ka na, Aylana."

"Tama nga ang Tatay mo, Ayla. Pumasok ka na sa silid mo."

"S-Sige po."

Sinunod ko ang sinabi ng mga magulang ko at pinilit ang sariling 'wag nang mag-overthink sa mga bagay-bagay. Nakakapagod pa lang mag-isip. Lalo na 'yong iniisip mo ay hindi ka rin naman pala iniisip.

"Hoy, Boyet, sigurado ka bang hindi talaga tayo maghahanda? Parang nakakahiya naman sa mga Lizares kung gano'n? Kahit pitasin man lang natin 'yong mga saging at niyog sa likuran ng bahay natin. Para kahit papaano'y may makain naman sila kapag nakarating na sila rito."

Wala sa oras kong nakagat ang pang-ibabang labi ko nang biglang magsalita si Nanay. Naghihintay kami ngayon sa pagdating ng mga Lizares. Hindi ko exactly alam kung anong oras pero nang sinabihan ako kanina nina Nanay na maghanda na, doon ko napagtantong baka sila alam nila kung anong oras ang kanilang dating, total sila naman ang kinausap ni Sonny no'ng magpunta siya rito kahapon.

Suot ko 'yong maternity dress na ibinigay niya sa akin noong sa bahay niya pa ako nags-stay. Pormal naman tingnan kaya sinuot ko na. Tinirintas kanina ni Nanay 'yong buhok ko at naglagay lang ng kaonting pulbo. Presentable naman akong tingnan pero hindi ko alam kung bakit abot ulap na 'yong kabang nararamdaman ko. Sobrang bilis na rin ng tibok ng puso ko at hindi ko alam kung normal pa ba ito. Maya't-maya rin ang pagpisil ko sa mga daliri ko.

Si Nanay ganoon din, mukhang kinakabahan din, ang kaso lang… dinadaan niya sa pagsasalita ang kabang nararamdaman niya. At kabaligtaran ng ipinapakitang reaksiyon namin ang reaksiyon ni Tatay ngayon. Nagawa niya pang magkape habang nakaupo sa maliit na lamesa sa ilalim ng puno ng talisay.

Ang suot ni Nanay ay 'yong damit niyang sobrang pormal na animo'y magsisimba siya. Ito rin 'yong damit na isinuot niya noong graduation day ko noong college. Sobrang makalumang tingnan pero bagay naman sa kaniya. Para siyang nagbalik sa kapanahunan niya. Todo pa-ganda naman si Nanay. Actually, maganda naman talaga si Nanay. Hindi naman maipagkakaila 'yon.

Si Tatay naman ay suot lang ang simpleng polo shirt niya na kulay berde, naka-jeans lang siya at simpleng tsinelas lang… pero kung titingnan mo siya ngayon, para siyang isang mayamang tao na nakapambahay lang. Sobrang simple lang ng kaniyang suot pero dahil sa ayos at tindig niya, paraan ng paghawak sa tasang may lamang kape, animo'y isa siya sa mga mayayaman sa bayan namin. Ito ang unang beses na nakita ko sa ganitong ayos si Tatay. Parati ko kasi siyang nakikita sa marumi niyang ayos gawa ng kaniyang trabaho. Nakakapanibagong tingnan, parang hindi ko siya Tatay. Parang hindi siya 'yong Tatay na kinalakihan ko.

"Helena Gabriela Abeles Encarquez, kumalma ka nga sabi! At pabayaan mo sila. Hindi natin kailangang kunin 'yong matagal nating itinanim para lang ipakain sa pamilyang iyon. Hindi natin kailangang maglabas ng effort para lang tanggapin ang pamilyang iyon."

"E, kasi naman, Romelito Ortianno Encarquez, bakit naman kasi sobrang kalmado mo ngayon? Na para bang hindi malaki at respetadong pamilya ang kakaharapin natin mamaya?"

"Ano ba kasing ikinakatakot mo? Tao lang rin naman sila, wala namang kakaiba sa pamilyang iyon. Angat lang sila sa buhay pero normal na tao pa rin sila," pagtatapos ni Tatay sa usapan nila ni Nanay kasabay ng paghigop niya sa kape. Alas-nuwebe ng umaga, heto't nagkakape pa rin siya.

Sa kalagitnaan ng kanilang pag-uusap, biglang nagsidatingan ang iba't-ibang klaseng sasakyan. Sunod-sunod sila at ang unang sasakyan na nakita ko ay ang pagmamay-ari ni Sonny. Sabay kaming napatayo ni Nanay para pagmasdan ang kanilang pagdating. Mas lalo yata akong kinabahan dahil sa nandito na nga ang kanina pa naming hinihintay. Mas dumoble ang kaba sa aking puso.

Halos sabay-sabay din na nagsilabasan ang mga taong nakasakay sa iba't-ibang klaseng sasakyan na iyon. Mas lalo akong nalula nang makitang kasama nila ang iilang guwardiya nila. 'Yong mga lalaking naka-itim na uniporme, itim na shades, at kasing laki ng isang wrestler na katawan kung makatindig.

Anak ng baboy! Ganito ba talaga ka-yaman ang mga Lizares?

Kumalma ka, Aylana! Kalma lang! Kalma lang sabi. 'Wag na 'wag kang hihimatayin! Mahilig ka pa namang himatayin sa kalagitnaan ng isang importanteng bagay.

"Nand'yan na sila, anak, 'wag kang kakabahan, ha?" Pa-simpleng bulong sa akin ni Nanay bago niya sinalubong ang nangungunang si Sonny.

Hindi pa lang nakakatapak sa aming bakuran ang Don at Donya, nabalutan na ng tensiyon ang hangin. Mas lalo akong kinabahan nang makita ang napakaseryosong tingin ng Don at Donya.

"Romelito…" Seryosong bati ni Don Gabriel.

"Gabriellito…" Seryosong ding saad ni Tatay.

"Romelito!"

Anak ng baboy? Anong ginagawa ni Konsehal Saratobias dito? Akala ko ba mga Lizares lang ang pupunta? Bakit siya nandito?

"Joselito…" Wika ni Tatay. Sobrang seryoso niya na mismong si Konsehal Saratobias ay natigilan sa kaniyang malawak na pagngiti.

"Pareng Romelito! It's good to see you again, dude! I actually cleared my schedule today the moment I heard from my son, Justine, na mamamanhikan itong si Sonny sa anak mo. It's like what we dreamt of is really coming into life."

Anong nangyayari?

"Pareng Jose, this is not pamamanhikan. We're here to discuss the situation of the two kids," agarang sagot ni Donya Felicity.

"M-Magandang umaga po sa inyong lahat, pumasok na po kayo sa loob, Don, Donya, Konsehal. P-Pasensiya na po kung maliit lang itong bahay namin."

Binuksan ni Nanay ang gate ng bakuran at agad pinapasok ang lahat na kasama ng mga Lizares, even Konsehal Saratobias.

"Sa loob na lang natin pag-usapan ang lahat. Si Kiara na ang bahalang mag-set-up ng mga pagkain," ani Don Gabriel.

"Don't worry about the foods, Pareng Gab, tutulungan ko si Kiara sa paghahanda," wika ni Konsehal Saratobias.

Sa sobrang bilis ng mga pangyayari at sa sobrang naguguluhan na talaga sa nangyayari sa paligid ko, hindi ko namalayan na nasa loob na pala kami ng bahay. Nagsisimula na silang mag-usap. Hindi ko masiyadong masundan dahil hindi ko maibalik sa realidad ang sarili ko, ngayon lang.

"Let's cut off the honorifics and greetings. Let's get straight to the main point."

Ilang beses ko nang nakita si Donya Felicity. Ilang beses ko nang narinig siyang magsalita. Pero iba talaga ang epekto kapag sa malapitan na, ano? Mas lalo akong namangha sa kaniya. Kung gaano siya ka-ganda at ka-elegante sa paningin ko ngayon, na parang lahat ng kaniyang ginagawa ay tama at hindi makababasag ng pinggan. No wonder, every girls in this city look up to her. She's so perfect.

"Suit yourself, then, Felicithea."

"And the mockery."

Gulat akong napatingin sa direksyon ni Tatay nang bigla siyang magsalita ng english. Sobrang fluent niya na animo'y first language niya ito. Hindi ko alam kung makikinig pa ba ako sa usapang ito o aalamin ko kung anong meron sa kanila noon? Bakit nag-i-english na 'yong Tatay ko? Anong nangyayari sa mundo?

"This is a serious matter. It almost ruined our relationship with the Osmeñas, so I cannot let this one pass," dagdag na sabi ni Donya Felicity.

"Relasyon sa mga Osmeña… Hanggang ngayon, iniisip niyo pa rin kung anong sasabihin ng ibang tao. Nothing changed, eh?"

"Romelito, we're here to sort things out, not to talk about the past," sabi ni Don Gabriel.

"Okay. I am not. Nagsasabi lang ako ng totoo. At oo nga, tama ka nga, Gabriellito, nandito tayo para pag-usapan kung anong ginawa ng anak n'yo sa anak namin ni Helena."

Tiningnan ko si Sonny na nakatayo lang sa tapat ko, nakasandal siya sa dingding ng kuwarto ko mismo, nakayuko. Mukhang naramdaman niya ang tinging ginawa ko sa kaniya kaya agad na umangat ang ulo niya para matingnan ako. Hindi ko alam kung anong sasabihin ko sa kaniya. Gusto kong itanong sa kaniya kung bakit niya naisipang dalhin ang mga magulang niya rito sa bahay namin.

Bumuntunghininga na lang ako at agad ding nag-iwas ng tingin.

"Mom! Dad!" Narinig ko sa wakas na nagsalita si Sonny. Pinigilan niya ang mga magulang niya sa pagsasalita kaya lahat ng atensiyon namin ay nasa kaniya na. "You told me, you guys, will going to calm down. Can you do it now?" Dagdag niya.

"Okay. I am calming down," malumanay na sagot ni Donya Felicity sa anak niya. "Nandito kami para sabihin sa inyo kung anong magiging set-up nilang dalawa. Pakakasalan ni Thomas ang anak mo, Romelito. Because that's the right thing to do."

"The right thing to do? O baka the right thing to do para hindi masira ang reputasyon ng pamilya n'yo? Felicithea, Gabriellito, malalaki na si Sonny at Ayla, hayaan na natin silang mag-desisyon para sa sarili nila. 'Wag nating pilitin kung anong gusto natin. Ako, gusto kong panindigan ng anak n'yo ang ginawa niya sa anak ko, pero hindi ko sila mapipilit kung ayaw nila sa isa't-isa."

Tatay ko ba talaga 'to? Sigurado ba? Ibang-ibang pagkatao ngayon ang nakikita ko mula sa kaniya. Parang sa isang iglap lang ay isa na siya sa mga respetadong tao sa bayan namin kung makapagsalita.

"Ikaw ba, Sonny, gusto mo ba ang nangyayari ngayon? Handa ka bang panindigan ang bata kahit na anong sabihin ng iba? Mahirap lang kami at ang tingin ng iba sa situwasiyong ito ay piniperahan ka lang ni Ayla. Na pera lang ang habol niya sa'yo kaya siya nagpabuntis kahit na wala naman kayong relasyon na dalawa. Maraming sasabihin ang tao, Sonny, kaya ang tanong… Handa ka bang pakasalan ang anak ko ngayon?"

Anak ng baboy!

"I can't…"

Parang sa isang iglap ba'y gumuho ang mundong ginagalawan ko. Oo, naiintindihan ko, sobrang imposible ng mga pinagsasabi ni Tatay at sobrang nagulat ako na 'yon ang sasabihin niya sa usapang ito. Pero hindi ko alam na isa pala itong paraan para malaman ko ang katotohanang pilit kong tinatakbuhan… Na sobrang imposibleng magustuhan niya ako.

Umiwas ako ng tingin at tiningnan si Nanay para manghingi ng lakas ng loob para manatili sa kinauupuan ko. Hindi ko na yata kakayanin kung may sasabihin pa siyang iba. Ang dapat siguro'y tapusin na lang namin ang usapang ito. Sabi sa inyo, hindi talaga, wala talaga.

"Okay-"

"I can't marry her right now because of Darwin Charles and MJ… Baka maging sukob ang kasal kapag pinilit naming magpakasal ngayong taon. Sa susunod na taon ko pa siya mapapakasalan, okay lang po ba? But I assure you, Tito Boyet, na pakakasalan ko si Ayla at paninidigan ko ang bata. Hindi ko tatakbuhan ang responsibilidad ko sa kanila."

Biglang umurong ang luha kong nagbabadyang papatak sana galing sa aking mata dahil sa dinagdag niya. Gulat akong napatingin sa kaniya na saktong nakatingin na rin sa akin. Nilabanan ko ang bawat titig niya, pilit na naghahanap ng iba pang sagot galing sa kaniya.

"Okay."

"I'm doing this because Mom's right, this is the right thing to do. It will save the reputation of the both families if we serve them this kind of wedding."

"Pakakasalan ni Thomas si Ayla sa susunod na taon to avoid the sukob. Manganganak muna si Ayla and Thomas will hundred percent provide for her and the child's needs. Are we clear, Romelito, Helena?"

"Payag ka ba sa gano'n, Aylana?"

Tumango ako sa tinanong ni Tatay. Hindi ko rin siya tiningnan sa mga mata niya para hindi niya makita kung gaano kasakit sa akin ang mga nangyayari ngayon. Kailangan kong tumango dahil wala rin naman akong magagawa. Sa tingin n'yo, do I have another choice? If not, can you please give me one.

"Kung okay kay Aylana, okay na rin sa akin."

Sabay na tumayo si Tatay at si Don Gabriel. Inabot ni Don Gabriel ang kamay niya kay Tatay at mariin itong tiningnan.

"It settled then."

Tinanggap ni Tatay ang kamay ni Don Gabriel at nakipagsukatan ng tingin sa kaniya. Tumayo na rin si Nanay at si Donya Felicity. Pero ako, nanatili akong nakaupo habang nakatingin sa dalawang lalaki sa harapan ko.

"Settled."

"Let's have lunch outside. Me and Kiara prepared some foods for this event," wika ni Donya Felicity.

Isa-isa silang lumabas. Nanatili ako sa kinauupuan ko at no'ng malamang nakalabas na sila, saka lang ako nakahinga nang maluwag. Sumandal ako sa kinauupuan ko at tumingala sa bubong ng aming bahay at inisip ang mga nangyari kanina.

Putang inang buhay 'to, oo.

"Are you okay?"

Napabuntunghininga ulit ako nang marinig ko ang mala-kulog niyang boses. Tila'y nakikisabay sa mala-bagyo kong nararamdaman.

Umayos ako sa pagkakaupo at pagak na ngumiti sa kaniya.

"Medyo masakit lang ang ulo ko. Alam mo na, sintomas ng pagiging buntis. Kung anu-anong ka-weird-uhan ang nararamdaman ko sa katawan ko." Sinabayan ko ng isang tipid na ngiti ang sagot ko.

"Kaya mo bang lumabas para kumain ng lunch?"

Isang ngiti lang ang sinagot ko sa kaniya at kusa nang tumayo. Sinubukan niya pang tulungan ako pero hindi naman ako baldado para magpa-akay sa ibang tao, kaya ko ang sarili ko.

"Welcome to the family, Ayla!" Nang makalabas, isang masiglang Miss Kiara ang sumalubong sa akin.

Ngumiti ako sa kaniya bilang sagot. Iginala ko ang tingin ko sa paligid. Isang boodle fight ang nakalatag sa isang mahabang lamesa na hindi ko alam kung saan galing. Doon ko lang din napansin na kasama nila ang asawa ni Miss Kiara na si Konsehal Einny Lizares at kanilang anak. Nandito rin 'yong iba pero sumasakit talaga ang ulo ko kakatingin sa mga taong nandito.

Ang tanging napansin ko lang sa pagsasalo na iyon ay ang pag-alis ni Don Gabriel, Konsehal Saratobias, at Tatay sa tumpukan para pumunta sa likuran ng bahay. Gusto ko mang pagtoonan ng pansin, mas lalong sumakit ang ulo ko.

Pinilit ko ang sarili kong sabayan sila sa trip nila sa buhay. Pinilit kong kumain ng lunch. Nang hindi makayanan ang sarili, nagpaalam ako kay Nanay na magpapahinga na. Naiintindihan naman nila ako kaya hinayaan na nila ako. Ihahatid pa sana ako ni Sonny pero hindi ko na pinaunlakan. Kaya ko ang sarili ko.

Nang makapasok sa kuwarto, doon ako tahimik na umiyak.

Ang sakit-sakit mapagtanto na kaya nila ginagawa 'to dahil sa reputasyong inaalagaan nila.

Nagising ako na papalubog na ang araw. Medyo madilim na ang paligid at tahimik na rin. Siguro nagsi-uwian na ang mga Lizares. Sana naman. Sana talaga.

Ang tagal ko pa lang natulog. Sa pagkakaalala ko, matapos ang pananghalian ay agad akong inakit ng antok. Sobrang haba ng tulog ko pero parang kulang na kulang yata ito? Anong bang problema? Normal lang ba 'to sa isang babaeng buntis? Hindi ko 'to naitanong kay Nanay, e, maitanong nga mamaya.

Nagbihis muna ako ng duster nang makitang hindi pa pala ako nakapagbihis magmula kanina.

"E, kung maligo na lang kaya ako, ano? Mainit pa naman," bulong ko sa sarili ko bago pa man maisuot ang kinuhang pampalit.

Mula paggising ko kanina, napansin kong parang ang tahimik ng bahay. Usually kasi, 'pag ganitong oras, maingay na ang TV sa salas ng bahay dahil paniguradong nanunuod si Tatay ng balita pero himala yatang wala akong naririnig na ingay mula sa labas?

Baka inaasikaso lang siguro ni Tatay 'yong mga alagang manok niya. O 'di kaya'y pinapakain na niya ito. Ewan.

Naghubad ako ng damit at tanging tuwalya lang ang pinangtakip ko sa buong katawan ko. Malaki naman 'yong tuwalyang gamit ko kaya kasya itong malaki ko ring tiyan.

Lumabas ako ng kuwarto and almost dropped the body towel I'm wearing nang makita ko ang nakayukong si Sonny.

"Anak ng baboy!" Susmaryosep talaga! Aatakehin ako sa puso nito, e. Napahawak ako sa dibdib ko sa sobrang gulat, pilit pinapakalma ang bumilis kong puso. "A-Anong ginagawa mo rito? Sina Nanay at Tatay?"

Naagaw ko ang atensiyon niya at mukhang tumigil sa pagtingin sa cell phone niya dahil sa maliit kong sigaw. Sino ba naman kasing hindi magugulat sa presensiya niya? Bukod sa nakakagulat talaga, hindi ko naman inaasahan na nandito pa siya.

Nakita ko ang pag-iwas niya ng tingin sa akin. At no'ng mapagtanto ko kung bakit, unti-unti akong naglakad papunta sa banyo namin.

Anak ng baboy, Ayla, nakakahiya! Tuwalya lang ang saplot mo sa katawan tapos buntis ka pa! Sobrang nakakahiya nga talaga!

"Nasa likod ng bahay si Tita Helen, may aasikasuhin daw. Si Tito Boyet naman lumabas muna para mag-smoke," sabi niya habang hindi pa rin makatingin sa akin.

"Ah, okay." 'Yon lang ang sinagot ko at tuluyan na talagang pumasok ng banyo.

Mabilisan akong naligo, medyo kinakabahan na rin dahil nga sa nakita ni Sonny kanina.

Teka, may nakita kaya siya? Sana naman wala, malaki naman 'tong tuwalyang suot ko.

Matapos kong maligo ay maingat kong binuksan ang pinto ng banyo para silipin kung nasa kaninang puwesto niya pa siya. Wala na namang taong sa salas pati sa kusina kaya lumabas na ako. Mabuti naman at marunong makiramdam ang lalaking iyon.

"Hoy, Ayla, para kang timang."

Anak ng baboy!

Natigilan na naman ako sa dahan-dahan kong paglalakad nang marinig ang boses ni Nanay. Galing siya sa likuran ng bahay at mukhang kapapasok niya pa lang. Dala-dala niya 'yong kaldero ng kanin namin.

"'Nay!" Tawag ko sa kaniya at tumigil muna sa paglalakad. "Bakit nandito pa si Sonny? Bakit 'di n'yo naman sinabi sa 'kin na nandito pa siya?"

Pero iba na 'yong suot niyang damit kanina. Mukhang nakauwi na siya at nakapagbihis pa. Pero ang tanong, bakit siya bumalik? Anong meron? May nakalimutan? Nakalimutang sabihin?

"Paano ko sasabihin sa 'yo, e, tulog ka, 'di ba? Magbihis ka na ro'n, baka gutom na ang Tatay mo't si Sonny, maghahapunan na tayo."

At mukhang dito pa siya talaga kakain ng hapunan, ha?

Dali-dali akong nagbihis. 'Yong duster na plano ko pa sanang suotin ay hindi ko na tinuloy. Naghanap ako ng disenteng damit.

Magkaharapan kaming apat ngayon sa maliit na hapag-kainan namin. Paunti-unti lang 'yong subo ko ng pagkain dahil hindi pa rin ako makapaniwalang nandito ngayon si Sonny, kumakain ng hapunan kasama ang pamilya ko. Nakikipag-usap na rin si Tatay sa kaniya, hindi katulad no'ng mga nakaraang araw na halos tadyakan na niya ito para lang makaalis na sa pamamahay namin. At ngayon, mukhang nagkakasundo pa sila sa hindi ko malaman kung ano. Tungkol ba sa tubohan ang pinag-uusapan nila? Asukal? Pananim? Presyo ng asukal? Quedan? Ewan ko ba.

Anong meron? Anong trip 'to? Sa susunod na taon pa naman 'yong kasal namin kaya anong ginagawa niya ngayon?

Nagbuntunghininga na lang ako at hinayaan sila. Para saan pa't masasagot din ang tanong ko mamaya.

~