webnovel

Kung ayaw nila sayo, pakakasalan nalang kita (23)

Translator: LiberReverieGroup Editor: LiberReverieGroup

Habang patuloy na kumakain ng tsistirya, tinignan ni Qiao Anhao ang itinuturo ni Lu Jinnian sa screen. Nang malaman niya na sa isang mamahaling hotel sa Beijing ang magiging venue, nagtanong siya, "Sa Beijing ito ififilm?"

"Oo."

Isa-isang tinignan ni Qiao Anhao ang mga pinagpipiliang hotel hanggang sa may isa siyang nagustuhan. "Dito nalang. Makikita ang palasyo mula sa bintana nito. Maganda ang magiging eksena kung dito sila magdidinner kasi maganda ang tanawin."

"Oh." Tinignan din ni Qiao Anhao ang ilan pang nakalista. "Candle light dinner, mas gusto yun ng mga babae…Para sa bulaklak naman, maganda kung blue rose ang gagamitin mo para elegante tignan, kahit na Chinese Bellflowers ang paborito ko….Para naman sa pagkain, western…red wine…"

"Sige." Paulit ulit na sagot ni Lu Jinnian para magmukhang kapani-paniwala na kumukuha lang talaga siya ng ideya. Pero hindi alam ni Qiao Anhao, kinakabisado niya na ang bawat sinasabi nito.

Pagkatapos magbigay ni Qiao Anhao ng mga suggestion niya, agad bumalik siya sa dati niyang pwesto para magpatuloy sa panunuod, samantalang si Lu Jinnian, na nakaupo sa tabi niya, ay paminsan minsang nagtatype.

Isang romance drama ang pinapanuod ni Qiao Anhao na ang kwento ay tungkol sa isang babae na iniwan ng asawa. Hindi nagtagal, nakakita ito ng isang mayamang lalaki na muli nitong minahal. Pero noong ikakasal na ang dalawa, lumabas na tutol pala ang buong pamilya ng lalaki dahil sa naging madilim nitong nakaraan.

Bago magpatalastas, wala masyadong dating kay Qiao Anhao ang drama pero matapos niyang makita kung gaano katutol ang nanay ng lalaki sa bidang babae, bigla siyang nabagabag dahil naisip niya na kahit wala siyang marriage license, para sa mata ng lahat ay diborsyada pa rin siya….Kung mag'ganun, ipagtatabuyan din kaya siya ni Lu Jinnian…

Kahit pa gaano ka'successful at ka'confident ang isang tao, bigla itong nawawala pagdating sa taong pinakamamahal nito dahil imposibleng hindi niito isipin na baka hindi matanggap ng kabilang partido ang anumang kapintasan mayroon ito.

Sobrang nagaalala si Qiao Anhao na baka hindi siya magustuhan ni Lu Jinnian at habang mas iniisip niya ang mga bagay-bagay, lalo lang siyang hindi mapakali kaya bandang huli, hindi niya na talaga kinaya at ibinuhos niya na ang lahat ng mga inaalala niya kay Lu Jinnian, na nakaupo sa tabi niya. "Jusko, diborsyada rin ako kagaya ng bidang babae, ibig sabihin aayawan din ako? Pero bata pa naman ako! Lu Jinnian, sa tingin mo, makakapag'asawa pa kaya ako?"

Nang marinig ni Lu Jinnian ang pagrereklamo ni Qioa Anhao, napatingin siya sa TV at nakita niya ang bidang babae na iyak ng iyak dahil hiniwalayan ito ng bidang lalaki. Hindi nagtagal, muli siyang yumuko para maglaptop at halos pabulong na sinabi, "Kung ayaw nila sayo, pakakasalan nalang kita."

Biglang bumilis ang tibok ng puso ni Qiao Anhao kahit na ang alam niya ay sinasakyan lang siya ni Lu Jinnian. Habang nakatutok sa TV, hindi niya alam kung paano siya magsasalitasa sobrang kilig. Nang maramdaman niya na medyo kumalma na siya, masaya siyang ngumiti at sinabi, "Sige ba, kapag dumating ang araw na 'yun, sigurado ako na maiinggit ang lahat sa akin."

Nagulat si Lu Jinnian sa naging sagot ni Qiao Anhao at halos hindi niya maigalaw ang kanyang mga daliri. Pinilit niyang kumalma at tinignan ito.

Saktong sakto sa mukha nito ang liwanag na nanggaling sa ilaw. Nakuha ang atensyon niya ng mahahaba nitong mga pilikmata na bahagyang nakakulot, at ang itim na itim nitong mga mata na madalang kumurap sa sobrang pagkatutok sa pinapanuod nito sa TV.

Nagulat si Qiao Anhao nang mapansin niyang biglang huminto si Lu Jinnian sa pagtatype kaya nagtataka siyang tumingin at hindi niya inaasahan na magtatagpo ang kanilang mga mata.