1 Chapter I: Althea del Rosario

Sa pusod ng isang lungsod na nasasakop ng N.C.R, matatagpuan ang isang dalawang palapag na restaurant. Dalawang malaki't mahabang gate ang makikita sa bakod na pumapaligid dito; isa ang nasa harapan, isa naman ang nasa likuran. Para sa mga customer ang nasa harapan, eksklusibo naman para sa mga empleyado't delivery trucks ang nasa likuran.

Parisukat ang hugis ng restaurant. Transparent ang lahat ng mga bubog na makikita sa harapan nito. Napapaligiran ang restaurant ng hardin kung saan naroroon ang iba't ibang kulay ng mga bulaklak. May nakalaang mahigit pitong daang couches para sa mga customer. Pwede ang outdoor at indoor dining. Maaari ka ding magpa-reserve ng private room kung ayaw mong kumain na maraming kasabay. Matatagpuan ito sa ikalawang palapag.

May malawak na parking lot kung saan nakagarahe ang mga nagkikinangang big bikes at mga sports car. Mas maliit naman ang nasa likuran kung saan nakagarahe ang mga motorsiklo ng mahigit isang daang empleyado. Madalas ding doon gumarahe ang mga sasakyang nagdedeliver ng mga sangkap na ginagamit sa restaurant.

Isang double acting swing door na yari sa bubog ang front door nito. Yari sa kahoy ang sahig na araw-araw na pinakikintab ng mga empleyado. Sa magkabilang gilid ng unang palapag ay may tig-isang hagdan na nag-uugnay sa dalawang palapag ng gusali.

Itim, dilaw at brown ang tanging kulay na makikita sa loob. Kulay dilaw ang bawat cover ng mga couches, itim ang bawat stand ng mga mesa at brown ang kulay ng ibabaw nito. Kulay dilaw din ang paligid ng mga magkakadikit na hugis na mayroong anim na sulok. Itim naman ang kulay ng loob nito. Makikita ang mga nasabing mga hugis sa buong kisame at pader ng restaurant, na nagsisilbing disenyo.

Sa loob ng nasabing restaurant ay isang dalagang may makislap na itim na buhok, matangos na ilong at labing kakulay ng mapupulang rosas ang tahimik na naghihintay sa pagdating ng isang espesyal na tao. Taas niya'y para lamang isang Grade 10 student. Maamo ang kaniyang mukha na para bang laging kalmado. Sa unang tingin ay aakalain mong hindi nito kayang kumitil—kahit na langaw lang.

Itim ang kulay ng nakakasilaw niyang mata. Kulay rosas ang ibabang bahagi nito na lalong nagbigay sa kaniya ng kaakit-akit na itsura. Hilig niyang magsuot ng mga damit na hindi magkukubli ng kaakit-akit niyang balikat at pusod niyang nakakatakam titigan. Gusto din niyang ibinabandera ang malusog niyang dibdib, maging ang nakakasilaw niyang bilugan at maputing hita. Siya si Althea del Rosario, anak ng isa sa mga pinakamayamang tao sa buong asya at ang nagmamay-ari ng restaurant.

Sa edad na 26 ay hindi niya masasabi sa sariling naging matagumpay na s'ya. Kilala niya kung sino siya. Ang restaurant na kaniyang pag-aari ay ibinigay sa kan'ya ng kaniyang ama. Bukod dito ay may natatanggap pa siyang limang daang libong dolyar kada buwan. Wala naman kasing kinikita ang kaniyang negosyo kahit na singko dahil napupunta ito sa lahat ng kaniyang mga empleyado. Wala naman itong problema kay Theya. Masaya na siyang makitang gumaganda ang buhay ng mga taong nagtatrabaho para sa kan'ya.

Tahimik lang na nakaupo noon ang nasabing dalaga sa harapan ng lamesang nasa pusod ng dining area. Nakikinig siya ng musika mula sa isang earphone at paulit-ulit na pinatatama ang kuko ng kanan niyang kamay sa lamesa. Nakaangat ang magkabilang dulo ng kaniyang labi. Ngayong araw kasi ay nakatakda siyang makipagkita sa kaniyang bagong nobyo. Nakilala niya ito sa isang social media platform. Ilang oras pa lang silang magka-chat pero madali silang nagkaibigan. Para sa kaniya'y hindi dapat pinatatagal ang ligawan, mas dapat patagalin at patibayin ang isang relasyon.

Puno siya ng pananabik noong mga sandaling 'yun. Pakiramdam niya'y siya na ang pinakamapalad na babae sa buong mundo. Madali talagang mahulog ang kaniyang loob sa kahit na sinong lalaki. Anumang estado nila sa buhay ay handa silang mahalin ni Theya. Anumang itsura nila't amoy ay handa silang yakapin ng dalaga.

Lumipas na ang isang oras subalit wala pa din ang kaniyang boyfriend. Nag-init na ang bait ni Theya. Ipinasara pa naman niya ang kaniyang restaurant para sa espesyal na araw na ito. Ayaw niyang nahuhuli sa itinakdang oras ang kaniyang nobyo. Pakiramdam kasi niya'y pinagtataksilan siya nito sa bawat segundong hindi sila magkasama. Ang kaniyang mga empleyado'y hindi na siya magawang titigan. Ang maglakad sa harapan nito'y para bang paglalakad sa harapan ng isang gutom na liyon.

Pasipol-sipol habang naglalakad sa tabihan ng abalang kalsada ang bagong nobyo ni Theya. Nakasuot siya ng kulay itim na sunglass. Papaling-paling pa ang kaniyang ulo sa kung saan-saan. Kapag may nakakasalubong siyang babaeng may maikling kasuotan ay ibinababa niya ang kaniyang sunglass para mas maaninag ang tanawing nais niyang makita. May suot siyang maroon na cowboy hat, asul na maluwang na long sleeve polo, itim na pantalon at tsinelas na may malaking butas. Kung hindi lang talaga makapal ang kaniyang kalyo sa paa ay baka hindi niya magagawang maglakad nang matagal.

Moreno at matangkad. Pero kahit sa dark ay hindi siya handsome. Hindi nga niya magawang isara ang kaniyang bibig dahil sa laki ng ngipin niya sa unahan. Mataas din ang kumpyansa nito sa sarili. Maangas siyang maglakad. Para siyang hari sa lansangan na kaniyang nilalakaran.

Ilang hakbang pa ang kaniyang ginawa nang bigla na lamang siyang napahinto. Humakbang siya nang apat na beses paatras na parang robot at muling huminto. Ibinaba niya ang kaniyang sunglass at binasa ang pangalan ng restaurant na nasa kaniyang harapan.

"Althea's kictchen," aniya, habang nakatingin sa pangalan ng restaurant, na makikita sa pagitan ng ikalawa at unang palapag.

Inalis niya nang tuluyan ang kaniyang sunglass. Isinabit niya ito sa bulsa ng kaniyang polo. Tapos ay lumapit siya sa gate ng restaurant. Sarado pa ito kaya tinawagan niya ang isa sa dalawang security guard na kaniyang nakita.

"Kuya, pabukas naman ng gate."

"Sarado po kami, sir," tugon ng gwardya. "Humanap ka na lang ng ibang restaurant para busugin ang bulate mo sa t'yan. Baka ikaw pa ang kainin n'yan!"

Pinagtawanan siya ng dalawang gwardya na naroroon. Malulutong ang bawat halakhak na kaniyang naririnig. Nainsulto siya nang labis. Humawak siya sa gate at makailang ulit niya itong itinulak at hinila. Para bang gusto niya itong wasakin gamit ang kaniyang pisikal na lakas.

"Bakit n'yo ako pinagtatawanan? Naliliitan ba kayo sa'kin? Buksan n'yo 'to! Magsuntukan tayo!"

Lalo lang lumakas ang tawanan.

"Para kang galit na unggoy!"

"Mas mukha kayong mga unggoy—mga pangit! Hindi n'yo ba nakikilala kung sino ako?"

"Bakit? Sino ka ba?"

"Ako lang naman si Piolo!"

Mas lumakas pa ang tawanan. "Ang pogi mo, Piolo!"

"Piolo Rosales Dantes ang buong pangalan ko!" sigaw niya bago sipain nang paulit-ulit ang gate.

Nang mga sandaling yun ay natigil na ang tawanan. Para silang nakakita ng multo. Kabilin-bilinan kasi ng kanilang amo na tanging ang lalaking nagngangalang Piolo Rosales Dantes lamang ang may permisong pumasok.

"Pa-pasensya na, Sir Piccolo este Piolo pala!" wika ng isang gwardya habang binibuksan ang gate. Nanginginig ang kaniyang kamay dahil na din sa takot.

Nang makapasok na si Piolo ay binatukan niya ang dalawang gwardya na nang-insulto sa kan'ya. "Pasensya-pasensya! Masyado kayong mapang-mata! Kahit ano pang inyong sabihin, mas cute pa din ako kaysa sa inyo—mga pangit!"

Matapos makapaghiganti ay iniwan na niya ang dalawang gwardya sa lugar kung saan sila nararapat. Sinimulan na niyang maglakad patungo sa kinaroroonan ni Theya.

Bigla na lamang napatakbo si Piolo, nang makita ang mga sports cars at big bikes na nakagarahe sa harapan ng restaurant. Hinalikan niya ang isa sa mga ito nang siya ay makalapit.

"Hello my dear! Daddy is here! Bring me up in the air!"

Isang bodyguard ni Theya, ang bumaba mula sa nakaparadang sasakyan. Lumapit ito kay Piolo at bigla na lang siyang hinila. "Lumayo ka d'yan! Baka magkapalit kayo ng mukha!"

"Sobra ka naman! Ang pogi mo eh no!"

Pinagmasdan ni Piolo ang kaniyang paligid. Nakakita siya ng mga kalalakihang nakasuot ng itim na suit, na pawang nakatingin sa kan'ya. Hindi bababa sa labing lima ang kanilang bilang. Naisip niyang maaaring mga bodyguards sila ni Theya, ka pinili na lang niyang lumayo. Hindi din naman ang mga sasakyan na 'yun ang dahilan kung bakit siya naroroon. Kaya siya pumunta sa lugar na yun ay para makipagkita sa kaniyang girlfriend. Nagsimula siyang maglakad nang maangas patungo sa kinaroroonan ng front door.

"My name is Piolo Rosales Dantes! I repeat... Piolo Rosales Dantes!"

Binuksan ng gwardya ang front door nang marinig ang pangalan nito. Hindi maganda ang tingin niya sa binatang naglalakad papalapit sa kan'ya. Kahit yata bagyo ay mahihiya sa lakas ng hanging mayroon ito. Hindi niya inalis ang paningin niya dito hanggang sa makapasok ito sa loob.

"Yabang," bulong ng gwardya.

Sa wakas ay nagawa na ding makapasok ni Piolo, sa loob ng restaurant ni Theya. Tila ba huminto ang kaniyang oras nang makita niya sa loob ang isang binibining nagpatigil ng ikot ng kaniyang mundo at nagpabilis ng pintig ng kaniyang puso. Nakikipagtitigan ito sa kan'ya. Napapikit siya at napakagat sa ibabang bahagi ng kaniyang labi. Binasa din niya ito ng kaniyang laway para magmukha siyang nakakaakit. Pero ang katotohana'y pinandidirihan siya ng mga empleyado ni Theya, na inaabangan ang susunod na mangyayari.

"Siguradong sabog ang nguso ng mayabang na 'yan! Ipupusta ko ang isang buwang sweldo ko! Laban ka?" wika ng isang empleyado ni Theya.

"Kunwari ako ang naghamon ng pustahan. Isang buwang sweldo mo laban sa isang taong sweldo ko!"

"Wa-wag na lang pala."

Nanatiling tulala ang binata habang pinagmamasdan ang isang binibining tila ba isang tala na kumikinang. Pero parang may mali. Dahil ang kinang na kaniyang nakikita ay dulot ng umaapoy nitong galit. Ang nanlilisik nitong mga mata ay nagbigay sa kaniya ng matinding takot. Nanigas siya na parang yelo.

Gamit ang hintuturo ay sinenyasan siya ni Theya, na lumapit. Dahil na din sa nararamdamang takot ay hindi niya nagawang kumilos nang maayos. Para siyang tao na gumagalaw dahil sa mekanismo.

Nang makalapit siya dito'y unti-unti niyang itinaas ang kanan niyang kamay. Naka-heart shape pa ang kaniyang hinlalaki at hintuturo. Nanginginig ang kaniyang panga. Ang kaniyang mukha na dinadaluyan ng napakaraming pawis ay hindi na maipinta.

"He-hello baby," wika ng binata. "Mu-mummm-mwuaapsszzzzz!"

Halatang hindi natuwa si Theya. Umangat ang kaliwang itaas na labi nito. Habang pinagmamasdan siya ni Piolo, ay parang may napansin siyang pangil mula sa napakagandang dalaga.

"Kung hindi ka nahuli ng dating, baka sakaling kinilig pa ako," marahan pero madiing pagkakasabi ni Theya.

Napaatras ang binata nang makita niyang tumayo si Theya. Gusto na niyang tumakbo pero para bang may kung anong nagpako ng kaniyang paa sa loob ng restaurant. Alam niyang dulot ito ng matinding takot sa isang magandang dalaga na unti-unti'y naging halimaw sa paningin niya.

Binuksan na ng gwardya ang pintuan para makatakas ang binata. Subalit hindi na ito nangyari pa. Napaluhod siya nang sipain ni Theya, ang maselang bahagi ng kaniyang katawan. Isa-isang tinakpan ng kaniyang mga empleyado ang kanilang mga mata. Ayaw na nilang makita pa kung paano ba parusahan ng kanilang amo ang kaawa-awang binata. Lumabas ito ng restaurant na dumudugo ang ilong at bibig habang umiiyak. Sinundan siya ni Theya, hindi para makiusap, kundi para linawin ang isang bagay.

"Break na tayo!"

Sa mabilis na panahon ay napaibig nga ni Piolo, si Theya. Pero hindi pa tumatagal ng dalawampu't apat na oras ay nawala din ito kaagad sa kaniya. Hindi niya sukat akalaing ang babaeng mayroong kaakit-akit na mukha ay may ikinukubli palang halimaw sa loob niya.

Nang makalayo ang lalaki ay siyang namang panlalambot ng mga tuhod ni Theya. Napalupagi ito dahil sa nangyari. Nilapitan naman siya kaagad ng isang dalawampu't anim na taong gulang na dalaga. May taas itong anim na talampakan at may katabaan. Itim ang kulay ng tuwid at makintab niyang buhok. Manipis ang kaniyang kilay, ganoon din ang kaniyang mga mata. Madalas itong nakatungo. Malaki ang kaniyang boses, bihira at marahan din itong magsalita. Siya si Janice, ang manager ng restaurant at kaibigan ni Theya.

"Pang four thousand nine hundred ninety seven na s'ya. Ayos ka lang ba?"

Tumingala si Theya. Paulit-ulit na nagpapaling-paling ang kaniyang ulo nang pakaliwa't pakanan. Nagtutubig na din ang paligid ng kaniyang mata. Hanggang sa tuluyan na ngang bumagsak ang luhang pinipigilan niyang kumawala.

"Hindi! Hindi ako ayos," umiiyak niyang tugon.

"Kailangan mo ba ng tulong?"

Tumango si Theya. "Oo!"

Pumunta si Janice, sa gawing likuran ni Theya. Hinawakan niya ito sa ulo at biglang hinila. "Init na naman kasi ng ulo ang pinairal mo. Hindi ka man lamang marunong makinig o magtanong."

Nang makatayo si Theya, ay inalayan niya itong maglakad. Pinaupo niya ito sa pinakamalapit na couch na matatagpuan ilang hakbang lamang mula sa front door. Nanatili namang nakatayo si Janice, sa kaniyang tabi.

"Kumuha kayo ng tubig!" wika ni Janice, sa kanilang mga empleyado.

"Opo Ma'am Janice!"

Dali-dali kumuha ng isang baso at pitsel na may tubig ang isang empleyado at ibinigay ito kay Janice. Sinalinan ni Janice ng tubig ang baso at itinapat ito sa ulo ni Theya.

"Wag mong ibubuhos," wika ni Theya, habang nakatingin sa kawalan.

"Sigurado ka ba?"

"Oo."

Ibinaba ni Janice, ang baso sa mesa. Sunod ay ibinuhos niya ang tubig na nasa pitsel sa ulo ni Theya. Wala itong kibo habang nababasa. Nang maubos na ang tubig na nasa pitsel ay tinangka naman ni Janice, na ihampas sa ulo ni Theya, ang hawak niyang bagay.

"Ayaw ko pang matulog," malumanay nitong bigkas, na nananatiling nakatulala.

Hindi na itinuloy pa ni Janice, ang kaniyang binabalak. Ibinitang niya ang pitsel sa mesa. Matapos yun ay napagpasyahan niyang lumabas ng restaurant para ipaalam sa mga gwardya na nagbabantay sa gate na tatanggap na sila ng mag customer. Wala nang date ang kanilang amo kaya oras na para magtrabaho.

avataravatar