webnovel

A Sinful Love

Si Cassian ay nangarap lamang ng isang magandang buhay kasama ang babaeng pinakamamahal niya, hanggang sa dumating ang araw na hindi na sila puwedeng magkita pa dahil ang babaeng kaniyang iniibig ay isang anghel. At ang pag-ibig sa isang anghel ay mahigpit na ipinagbabawal. Sa kagustuhang mabawi ni Cassian si Camiell ay inialay niya ang kaniyang kaluluwa kay Satanas at sa pamamagitan nito ay naging isa siyang ganap na demonyo. Wala siyang maisip na ibang paraan kundi ang wasakin ang mundo. Hanggang sa dumating si Cassiel - ang kaisa-isang babaeng nakakakita sa kaniya. Nagsimulang gumana ang kaniyang kuryosidad dahil wala ni isang tao ang makakakita sa kaniya, depende kung gugustuhin niyang magpakita at kung hindi tao ang nilalang na 'yon. Nagsimula siyang makaisip ng paraan at sa mga planong naisip niya ay kasama si Cassiel. Napag-isipan niyang gagamitin niya ang babae upang makamit at magtagumpay ang lahat ng plano niya. Ngunit, paano kung nag-iba bigla ang takbo ng mundo? Paano kung ang puso niya'y biglang nag-iba ng direksyon? Ipagpapatuloy niya pa rin ba ang pagsira ng mundo?

Princerandell · Fantasy
Not enough ratings
5 Chs

Kabanata 2: Babae sa Dagat

Sa aking mahabang paglalakad ay inaalala ko ang mga alaalang unti-unti nang nagsisialisan sa isip ko. Hindi ko gustong kalimutan ang lahat ng nangyari sa aming dalawa sapagkat iyon ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko.

Siya ang pinakamagandang nangyari sa akin at wala akong balak na basta-basta itapon ang mga pinagsamahan namin. Hangga't maaga pa ay paulit-ulit kong aalalahanin ang naganap sa amin. Kahit gaano pa ito kalungkot, kahit gaano pa ito kahirap at kahit gaano pa kasakit ang nangyari, aalalahanin ko pa rin ito hanggang sa tuluyan ko nang hindi makalimutan ang lahat.

Mag-isa kong tinititigan ang paligid. Ang lugar na ito ay puno ng mga naggagandahang halaman. Ang mga bulaklak ay nakakalat na animo'y ulap sa kalangitan at kapag inihalintulad naman sa impyerno'y, nagmimistula itong apoy na pakalat-kalat na sumusunog sa bawat kaluluwa.

Walang ibang bagay na pumapasok sa aking isipan bukod sa hugis at anggulo ng mukha ni Camiell. Wala akong maisip kundi ang napakaamo niyang mukha.

Hindi ko alam na sa isang iglap lamang ay maglalaho ang lahat. Hindi ko akalain na ang mga bagay na nagpapasaya sa akin, bigla-biglang kukuhanin.

Dahil sa bawal na pag-ibig ay hinadlangan ang aming pagmamahalan. Mas pinili niya ang Diyos, habang ako'y naghihirap sa bawat araw na wala siya.

Tiniis ko ang lahat ng sakit hanggang sa hindi ko na nakayanan at ako na mismo ang nag-alay ng aking kaluluwa kay Satanas. Hindi ko kinaya ang ilang taon na wala siya. Hindi ko kinaya ang pag-iisa.

Napangiti ako sa kawalan ngunit ang aking ngiti ay hindi nagpapakita ng kasiyahan, nagpapakita ito ng labis na kalungkutan. Wala akong maramdaman na ibang emosyon bukod sa kalungkutan at pagkamuhi.

Ibinenta ko ang aking kaluluwa para lamang sa isang babae. Alam kong hindi ito sapat na katuwiran para sa iba pero para sa akin, higit pa ito sa sapat.

Sa pamamagitan ng kapangyarihang ibinigay ni Satanas ay magagawa kong ipaglaban ang pag-iibigan naming dalawa. Handa akong maging masama makasama lamang siya.

Isa lamang akong tao na nagmahal ng isang babaeng hindi dapat mahalin. Isa lang akong tao na pinahirapan ng Diyos. Isa akong taong nawalan ng mga minamahal sa buhay.

Isa akong matino na tao hanggang sa nasira ang lahat. Sinira niya ang buhay ko at hindi pa siya nakuntento, kinuha niya pa ang kaisa-isang taong pinakamamahal ko.

Sinong taong hindi pipiliin ang pagiging demonyo at ang kapangyarihan? Sinong tao ang magtitiis sa isang sulok at manahimik kahit na alam niyang hindi na babalik sa kaniya ang taong mahal niya? Sinong tangang tao ang gagawa ng ganoong bagay?

"Sino pa ba? Edi ang mga tao," sagot ko sa katanungan na nasa aking isipan.

Tumawa ako nang malakas na para bang nagbitiw ako ng isang nakatatawang biro.

Hindi ko mapigilang isipin na napakatanga ng mga tao dahil nananatili sila sa pagiging tao lang.

Lumakad ako papunta sa dagat at umupo. Pinagbabato ko ng malalaking bato ang dagat at pinagmasdan kung paano ito magtampisaw sa tubig.

Nanatili akong nakatitig sa dagat hanggang maramdaman ko ang pagkabasa ng aking pisngi. Hindi ko namalayan na umiiyak na pala ako.

Nagsituluan na naman sila. Ang mga luha ko ang hindi ko kailanman mapipigil, kahit na ano pa ang gawin ko. Labis na sakit ang aking nararamdaman at walang sinuman ang makapapawi ng sakit maliban lang kay Camiell

"Bakit kailangan mo pa akong iwan, Camiell?! Bakit mas gusto mong sumama sa Diyos na 'yan? Bakit mas pinili mo ang Diyos mo?! Bakit? Camiell. Binuo mo ako pero unti-unti mo akong dinudurog," sigaw ko sa kawalan kasabay ng pagtulo ng mga luha ko, tuloy-tuloy lang ito gaya ng pag-agos ng tubig, walang tigil.

"Bakit?" mahinang tanong ko sa himpapawid.

Umaasang tatangayin ng hangin ang aking mga salita patungo sa kaniya.

Huminto ako sa pag-iyak nang may narinig akong boses mula sa malayo.

"Hoy! Mamatay ka na sanang lalaki ka! Niloko mo ako. Pero bakit gano'n? Kahit niloko mo ako, mahal pa rin kita. Nararapat lang siguro na patayin ko na lang ang sarili ko kaysa umasa pa sa 'yo."

Kahit nasa malayo siya ay rinig na rinig ko pa rin ang napakalakas na pagsigaw niya. Halos mairita ako dahil sa mga pinagsasabi niya ngunit nakaramdam din ako ng kakaiba.

Marahil ay pareho kami ng sitwasyon, pareho kaming dalawa na iniwanan ng taong minamahal.

"Bakit? Lahat ba talaga ng mga lalaki manloloko?! Tatalon na ako at lulunurin ko na lang ang sarili ko," sigaw niyang muli.

Tumayo ako at sinimulan kong ihakbang ang aking mga paa patungo sa tinig ng babae. Patungo kung saan naroon siya.

Nang marating ko na 'yon ay nakita ko ang isang babaeng may suot na mahabang bestida na kulay puti at kulot ang buhok. Tila may naalala ako dahil sa kaniyang pisikal na itsura.

Dahan-dahan siyang humarap patungo sa akin. Nakapikit ang kaniyang mga mata habang paatras na hinahakbang ang kaniyang paa patungo sa dagat.

Balak pa yata niyang lunurin ang kaniyang sarili.

May kung ano sa akin na nagsasabing pigilan ko siya sa kaniyang gagawin kaya iginalaw ko ang aking mga kamay at kinontrol ang tubig paitaas.

Nabigla siya sa pangyayari at napatingin siya sa kung saan. Hindi ko alam kung bakit ko tinutulungan ang babaeng 'to pero kakaiba ang nararamdaman ko sa kaniya. Parang pamilyar ang kaniyang mukha at ang kaniyang kasuotan.

Lumipat siya ng ibang puwesto at sinubukan niyang muling lunurin ang sarili ngunit nabigo siya sapagkat kinontrol kong muli ang tubig na pagbabagsakan niya.

"Ano ba ang nangyayari? May multo ba rito?" sunod-sunod na tanong niya habang halata sa kaniyang mukha ang takot at kaba.

Natuwa ako sa tugon niya at sa ekspresyon ng kaniyang mukha kaya naisipan kong paglaruan siya. Pinaangat ko ang mga batong nasa ilalim ng dagat pagkatapos ay ibinagsak ko ito nang malakas dahilan para mabasa ang buo niyang katawan.

Dahil sa takot at pagkabigla, kumaripas siya ng takbo na para bang hinahabol ng isang mamamatay tao.

Tumawa ako nang tumawa hanggang sa mapukaw ng aking pansin ang isang kuwintas na may nakaukit na puso at may pana rin ito.

Napuno ng kuryosidad ang aking isipan dahil ang itsura ng kuwintas ay talaga nga namang kakaiba.

"Ano 'to? Gawa ng anghel?" natatawa kong tanong sa aking sarili.

Ikinulong ko sa aking palad ang kuwintas.

Nagsimula akong maglakd ngunit ayaw pa rin lumisan sa aking isipan ang itsura ng babaeng 'yon, halos atakihin siya sa takot.

"Ang mga tao talaga, napakatanga nilang lahat. Mabuti na lang at isa na akong demonyo, hindi ko na kailanman mararanasan ang mapaglaruan," sambit ko habang patuloy na hinahakbang ang mga paa.

Hindi na ako maloloko ng kahit na sino, hindi na ako makokontrol at hindi na ako kailanman masasaktan ng mga tao pati na rin ng mga nilalang na nabubuhay sa mundong ito.

Hindi na ako papayag na maging katulad ako ng dati na walang ibang ginawa kundi ang manahimik. Umarte na walang pakialam at magsawalang kibo.

Habang naririto ako sa mundo, lahat magdurusa. Sisiguraduhin kong walang kahit sinuman ang makapupuksa sa akin. Sinisigurado kong matatalo ko ang lahat at makakasama ko ang babaeng pinakamahahal ko na si Camiell.